Taas-sahod ng mga kasambahay sa Metro Manila aprubado na: DOLE

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2019 03:12 PM | Updated as of Nov 29 2019 04:51 PM


MAYNILA - Inaprubahan na ng Metro Manila wage board ang pagtaas sa sahod ng mga household helper o kasambahay, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello nitong Biyernes. 

Mula P3,500 itinaas na sa P5,000 ang minimum wage ng mga kasambahay. Mas mababa ang umento sa iminungkahi ni Bello. 

"Dinagdagan po nila ng P1,500 although ang gusto ko sana P2,500 pero 'yun ang desisyon ng wage board siyempre iyon ang masusunod," ani Bello sa panayam sa DZMM. 

Magiging epektibo ito 15 araw matapos mailathala sa mga pahayagan sa Lunes, ani Bello. 

Sa kabila nito, aminado ang Labor department na kulang ang ngipin ng batas na parusahan ang mga amo na hindi susunod sa minimum wage requirement para sa mga kasambahay. 

"Medyo may ngipin sana [kung batas] lalo na minsan 'yung amo di binibigyan 'yung kaniyang kasambahay ng minimum wage... Wala kaming ganung power eh," pag-amin ni Bello. 

Hinikayat niyang magsumbong sa kanilang tanggapan ang mga kasambahay na kulang ang sahod, pero ang kaya lang daw umano nilang gawin ay maghain ng compliance order kontra sa mga pasaway na amo.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.