Seguridad ng bayan sa Misamis Oriental, hinigpitan matapos ang pagsabog ng granada sa paaralan

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2019 07:15 PM

INITAO, Misamis Oriental - Naglagay ng mga checkpoint sa mga kalsada at labas ng estasyon ng pulisya ang mga awtoridad matapos ang nangyaring pagsabog ng granada sa isang paaralan sa bayan na ito Huwebes.

Pinasok kasi ng nasawing suspek na si Ebrahim Bashier ang Initao College matapos itong mag-amok sa katabing tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil umano sa pagkakahuli ng anak nito sa illegal logging.

Ayon sa hepe ng pulisya, sa DENR pa lang ay tinanggal na ni Bashier ang pin ng granada.

Nang subukang agawin sa kaniya ang granada, nagawa pa din ni Bashier na bitawan ito. 

Ikinasawi niya ito, kasama ang rumespondeng officer na si Police MSgt. Jason Magno. Nasugatan naman ang 16 iba pa.

Kinilala ng mga residente ang kabayanihan ni Magno sa tangka nitong ilayo sa mga estudyante ang granada. Balak ng lokal na pamahalaan na parangalan din si Magno.

Dumalaw si DENR Secretary Roy Cimatu sa mga empleyado ng kanilang tanggapan upang alamin ang nangyari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.