PatrolPH

2,000 pamilya apektado ng sunog sa Mandaluyong

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2019 06:19 PM | Updated as of Nov 30 2019 05:07 AM

MAYNILA (2nd UPDATE)—Nasunog ang isang residential area sa Barangay Addition Hills sa Mandaluyong nitong Biyernes.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog pasado alas-3 ng hapon sa bahay ng isang Marie Biada sa Block 39, malapit sa mga kanto ng Martinez at Fabella.

Idineklarang under control ang sunog bago mag-alas-10 ng gabi at tuluyan itong naapula alas-11:44 ng gabi.

Aabot sa 400 kabahayan ang natupok at nasa 2,000 pamilya ang apektado sa insidente, ayon sa mga awtoridad.

Nananatili sa kalsada ang ilang evacuees, pero sinabihan na sila ng barangay na may evacuation center sa kalapit na Panatag Court.

Ang ilan sa kanila, may naisalbang appliance habang ang iba walang nadala kundi ang suot na damit dahil mabilis kumalat ang apoy.

Nasa 12 ang naitalang sugatan at tinatayang aabot sa P2 milyon ang halaga ng natupok na ari-arian.—Ulat nina Arra Perez at Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.