Pagkuha sa nahulog na wallet na may lamang P25,000, huli sa CCTV

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2019 02:11 PM | Updated as of Nov 29 2019 02:12 PM

Kita sa CCTV ang pagdampot ng babae sa wallet na nahulog ng isang mamimili. Hindi ibalik ng babae ang pitaka kahit hindi pa nakakalayo ang may-ari nito.

DAVAO CITY – Huli sa CCTV ng isang shopping center sa Ramon Magsaysay Street sa lungsod na ito ang pagdampot ng isang babae sa nahulog na wallet ng isang mamimili na naglalaman ng P25,000.

Makikita sa CCTV na nilapitan ni Liza Lacoba ang kaniyang kaibigan nang makita ito sa cashier area. Binati niya ito at nagyakapan pa ang dalawa. Kuha ito noong Nobyembre 27.

Hindi namalayan ni Lacoba na nahulog na pala ang wallet na inipit niya sa kaniyang kili-kili.

Nag-usap pa saglit si Lacoba at kaniyang kaibigan at umalis sa cashier area.

Nakita rin sa CCTV ang pag-upo ng isang lalaki malapit sa harap ng cashier kung saan nahulog ang wallet ni Lacoba.

Dito, sinenyasan niya ang kasamang babae para pumunta na at magbayad sa cashier area kung saan nahulog ang wallet.
 
Nang makita ng babae ang wallet, sinipa niya papalapit sa kaniya ang wallet at pasimpleng dinampot ito gamit ang isang panyo at agad na isinilid sa kaniyang bag.

Makikitang nasa malapit lang si Lacoba pero hindi niya rin ito napansin at walang intensiyon ang dalawa na ibalik sa kaniya ang wallet.

Matapos magbayad ng babae sa biniling sapatos agad itong umalis kasama ang lalaki.

Nalaman na lamang ni Lacoba na wala na ang wallet nang magbabayad na siya sa mga pinamiling sapatos at tsinelas na kaniya sanang ititinda.

Naglunsad na ng follow-up investigation ang Sta. Ana Police para sa pagkakakilanlan ng babae at lalaki na nakita sa CCTV.

Payo naman ng pulisya sa publiko lalo na ngayong papalapit na ang kapaskuhan na maging maingat lalo kung may dalang malaking pera.

Sakaling may makitang bagay o pera dapat isauli ito dahil kung hindi ay maituturing din itong pagnanakaw.

Umaasa ni Lacoba na matulungan ito na makilala ang babae at lalaki na nasa CCTV para makasohan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.