'Maganda talaga': Festival of lights, ibinida sa Misamis Oriental

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2019 07:07 PM | Updated as of Nov 30 2019 04:29 AM

TAGOLOAN, Misamis Oriental - Sa malayo pa lang, makikita at agaw-pansin ang 35 metro na taas na giant Christmas tree sa bayan na ito.

Nakatayo sa Arturo Casiño Park ang Christmas tree na puno ng puting ilaw at may blue star sa tuktok.

Aabot din sa 88 metro ang haba ng kanilang "Tunnel of Lights." 

Makikita naman mula sa highway ang foot bridge sa bayan na pinuno ng blue Christmas lights.

Ang magbarkadang Geraldine at Sweet na galing sa karatig-bayan na Jasaan, bumisita para magselfie at mag-enjoy sa saya hatid ng Festival of Lights ng bayan.

"Mae-enjoy mo talaga ang mag-picture dito, lalo na sa Tunnel of Lights at giant Christmas Tree," ani Geraldine.

"Maa-aattract ka talaga sa lights kapag dadaan ka," dagdag ni Sweet.

Watch more in iWant or TFC.tv

Layon ng Festival of Lights ng bayan na maramdaman ng mga residente, lalo na ng mga bisita, ang diwa ng Pasko at para may libreng mapasyalan ang buong pamilya para mag-bonding.

"Ang kulay sa ating 2019 Festival of Lights ay blue at white na nagsimbolo ng purity at pag-asa para sa bayan ng Tagoloan," ani ng municipal tourism officer na si Marsan James Semacon.

Bukod sa kanilang public plaza, napuno rin ng Christmas lights ang gusali ng kanilang munisipyo.

Plano ng lokal na pamahalaan na ipanatili ang Festival of Lights hanggang sa buwan ng Pebrero sa susunod na taon, kasabay sa pagdiriwang ng fiesta ng bayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.