Lalaki tiklo sa bantang pagpapakalat umano ng sensitibong larawan ng chatmate

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2019 05:37 PM | Updated as of Nov 29 2019 05:51 PM

CAGAYAN DE ORO CITY – Arestado ang isang lalaki na nagbanta umanong magpakalat ng sensitibong mga larawan ng ka-chat na babae sa social media. 

Ayon sa ulat, inireklamo si Jecky Cailing na taga-Manolo Fortich, Bukidnon ng kaniyang chatmate na babae mula sa Butuan City matapos magbanta na ikakalat ang mga larawan at video niya kung hindi sila magkikita nang personal.

Ginawa ang entrapment operation sa labas ng isang fastfood chain nitong Miyerkoles ng madaling araw.

Sa imbestigasyon ng pulisya, may dalawang buwan nang magka-chat ang suspek at biktima. Nagkaroon umano sila ng relasyon at nagpapalitan ng mga maseselang larawan ng isa't isa.

"Umabot sa punto na gusto nang itigil ng babae ang kanilang relasyon pero tinatakot ng lalaki ang babae na kung hindi ito makikipagkita sa kaniya sa Cagayan de Oro ay ikakalat ng lalaki ang larawan ng chatmate," sabi ni Police Maj. Ray Vincent Magto, team leader ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Unit-10.

Paalala ng pulisya sa publiko na huwag basta-bastang magpadala ng sensitibong larawan o video sa internet lalo na sa mga taong hindi mapagkakatiwalaan.

"Think before you click. Let us be vigilant online. Hindi dapat basta-bastang mag-share ng impormasyon, larawan o video online," dagdag ni Magto.

Sinampahan na ng kasong grave coercion, paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act, at paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children Act in relation to Cybercrime Prevention Act ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.