PatrolPH

Taas-presyo sa sardinas simula Disyembre 5, inaprubahan ng DTI

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2018 01:30 PM | Updated as of Jan 09 2020 04:07 PM

Watch more on iWantTFC

Inaprubahan na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang hirit ng mga manufacturer na taasan ang presyo ng sardinas simula Disyembre. 

Sa pulong ng DTI at ng mga manufacturer ng sardinas noong Miyerkoles, napagkasunduan ang dagdag-presyo na maglalaro sa P0.50 hanggang P0.80 sa delatang sardinas simula Disyembre 5, sabi ni Canned Sardines Association of the Philippines president Marvin Tiu Lim. 

Bagama't bumaba na ang presyo ng produktong petrolyo sa world market, giit ni Lim ay hindi nila naramdaman ang rollback. 

Paliwanag niya, ang mga ginawang sardinas ay noon pang Hulyo at Agosto, kung saan mataas pa ang presyo ng mga ito sa suppliers. 

"Kailangan po may imbentaryo tayo sa trade, dito sa supermarket, sa distributor, meron din tayong imbentaryo sa warehouse, kaya hindi po natin agad-agad mararamdaman ang effect ng rollback ng petrolyo dito sa canned goods," aniya sa "Failon Ngayon" nitong Huwebes. 

Ani Lim, posibleng hindi na magtaas ng presyo ang sardinas sa 2019 kung magtuloy-tuloy pa ang rollback sa presyo ng langis. 

Magugunita ring nagkaroon ng "price freeze" ang Trade department sa mga presyo ng pangunahing bilihin hanggang matapos ang Nobyembre.

Nasa ika-7 sunod-sunod na linggo na ang rollback sa presyo ng langis. 

-- May ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.