Pagdami ng kaso ng tigdas sa PH, sinisi sa takot magpabakuna

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2018 08:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Posibleng nakaapekto sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng measles o tigdas sa bansa ang kawalan ng publiko ng kumpiyansa sa pagpapabakuna, sabi ni Health Secretary Francisco Duque III.

Sa datos ng World Health Organization, 367 porsiyento ang itinaas ng kaso ng tigdas sa bansa mula Enero hanggang Nobyembre ngayong taon kumpara noong Enero hanggang Nobyembre ng 2017.

Ayon kay Duque, maaaring isa sa mga salik nito ay ang takot ng publiko sa pagpapabakuna dahil sa kontrobersiya ng Dengvaxia.

"There is a significant drop in the confidence of our people in the immunization program of the DOH (Department of Health) from 92 percent to a measly 33 percent," ani Duque.

"There are certain regions that had been affected by the continuing Dengvaxia issue," dagdag ni Duque.

Pero ayon sa public health expert na si Dr. Susan Mercado, bahagi ng regular immunization ang bakuna sa tigdas at matagal na itong binibigay sa mga bata kaya hindi puwedeng ikumpara sa Dengvaxia.

"Hindi siya dapat katakutan dahil almost 95 percent ang bisa niyan eh," ani Mercado.

Ayon sa DOH, karamihan sa mga tinatamaan ng tigdas ay mga babae na may edad apat na buwan hanggang 40 taon.

Ang tigdas ay isang nakahahawang sakit na maaaring makuha sa hangin.

Ilang lokal na opisyal mula sa anim na sitio sa Malapatan, Sarangani ang nag-ulat kamakailan ng ilang pagkamatay sa kanilang mga lugar bunsod umano ng tigdas.

--Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.