Biyahe ni Trillanes pa-Europa, Amerika pinayagan ng korte

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2018 06:04 PM

Pinagbigyan ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 150 ang hirit ni Senador Antonio Trillanes IV na makabiyahe sa Europa at Amerika sa hiwa-hiwalay na panahon simula Disyembre hanggang Pebrero 2019.

Si Trillanes ay may nakabinbing kasong rebelyon sa naturang RTC branch at pansamantala lamang nakalaya matapos magpiyansa ng P200,000.

Nauna nang kinontra ng Department of Justice (DOJ) ang hiling ni Trillanes na partial lifting ng kaniyang hold departure order sa kadahilanang "flight risk" umano ang senador.

Sa pagpayag ng korte, pinagbabayad muna si Trillanes ng P200,000 bilang travel bond bago tumulak pa-Amsterdam. Kailangan din niyang magbayad ng parehong halaga para sa biyahe pa-Amerika sa Enero 27.

Plano ni Trillanes makabiyahe sa The Netherlands, Spain, at sa United Kingdom mula Disyembre 11 hanggang Enero 11, 2019 para dumalo sa ilang aktibidad.

Aalis din siya sa Enero 27 hanggang Pebrero 10 para dumalo sa ilang pulong sa California, Washington, at Maryland sa Amerika.

Maaalalang nabuhay muli ang mga lumang kaso ni Trillanes matapos ipawalangbisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ipinagkaloob sa kaniyang amnestiya noong 2011.

—Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.