'Sextortion': Babae timbog matapos mangikil sa ex-gf ng dating nobyo

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2017 12:07 PM | Updated as of Nov 29 2017 02:16 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Timbog sa isang entrapment operation ang isang 19 anyos na single mom na nagbanta sa isang babae na ipakakalat sa internet ang mga pribadong larawan at video nito.
 
Sa cellphone video ng Regional Anti-Cybercrime Office ng Police Regional Office 3, makikita ang suspek na si alyas "Monica" na nagsusulat sa claim form ng isang money remittance.

P1,000 ang kaniyang kine-claim mula sa dating girlfriend ng kaniya ring ex-boyfriend.

Kapalit umano ng halagang ito ang hindi niya pag-upload ng mga pribadong larawan at video ng biktima.

"Ang unang hiningi niya po is P4,000 hanggang naibaba natin sa P1,000 at ang kapalit is huwag i-uupload yung video," ani Chief Inspector Joseph Villaran.

Paliwanag naman ni Monica, humihingi siya ng tulong sa biktima para makausap ang dating boyfriend dahil meron umano silang isang taong gulang na anak.

"Kung nasabi ko man na i-uupload ko yun or ano, nasabi ko lang kasi galit ako, pero palagi ko naman sinasabi sa kaniya na wala akong intensyon na ikalat yung videos mo. Nandiyan lang yan, hindi ko naman ikakalat yon," giit ni Monica. 
 
Todo-pakiusap ngayon si Monica sa biktima na huwag na siyang ipakulong.

"Sana maawa siya sa akin kasi marami pa akong pangarap sa buhay, hindi pa ako nakakatapos. Tsaka yung anak ko, nakakaawa kasi wala na nga siyang tatay, mawawala pa ako," ani Monica.

Nahaharap si Monica sa kasong robbery-extortion.

May paalala naman si Villaran sa mga magkakarelasyon.

"Hangga't maari po, huwag na kayong mag-record ng ganitong videos kasi once na-upload niyo na yan sa internet, hindi na yan mawawala," pakiusap ni Villaran.
 
    
--Ulat ni John Mark Guda, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.