Sereno, Gascon, Morales may panawagan para sa demokrasya

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2017 10:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tatlo sa mga opisyal ng pamahalaan na madalas banatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nanawagan na labanan ang anumang banta sa demokrasya.

Dumalo bilang mga panauhin sa ika-25 anibersaryo ng Constitutional Fiscal Autonomy Group (CFAG) nitong Miyerkoles sina Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Ombudsman Conchita Carpio Morales, at Commission on Human Rights (CHR) Chairperson Chito Gascon.

Ang CFAG ay pangkat ng mga sangay ng pamahalaan na may fiscal autonomy o awtonomiya sa pananalapi. 

Binubuo ito ng Supreme Court, Civil Service Commission, Commission on Audit, Commission on Elections, Commission on Human Rights, at Office of the Ombudsman.

Hinimok ni Sereno ang mga ahensiyang kasapi ng grupo na labanan ang ano mang banta, kung mayroon man, sa demokrasya.

"Hindi tayo dapat matakot kung tayo ay mananalig sa Konstitusyon," ani Sereno. "Mas malaki ang tsansa na kahit magulo ang larangan ng pulitika, may stability tayo."

Hinimok din ni Sereno ang mga ahensiya na huwag manahimik sa gitna ng maling kritisismo.

"Hindi kami nagtipon-tipon dahil may problema o krisis ang ilan sa amin," ani Sereno. "Kulang na lang natin magsalita as clearly and strongly as we can."

Hindi nagsalita si Sereno tungkol sa hinaharap nitong impeachment. Aniya, bahala na ang kaniyang mga abogado.

Kasabay ng pagdalo ni Sereno sa pagtitipon ay ang pagtestigo laban sa kaniya ni SC Associate Justice Teresita De Castro kaugnay ng inihaing impeachment laban sa punong mahistrado.

Sinabi rin ni Gascon na ang okasyon ay pagdiriwang ng anibersaryo at hindi pagtitipon laban sa administrasyon.

"Hindi tayo nasa larangan ng pamumulitika, hindi tayo nasa larangan ng destabilization, tayo ay nasa larangan ng rule of law," ani Gascon.

Hinikayat naman ni Morales ang mga ahensiya na "itaguyod ang karapatan, katapatan, katarungan, karangalan at katapangan" para sa bansa.

Patuloy din umano nilang ipaglalaban ang integridad ng Saligang Batas at ang pagiging malaya ng kanilang mga institusyon. 

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.