Lalaking umuutang ng alak, nagwala; napatay ng umawat na pulis

Bryan Realgo, ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2017 12:58 AM

ILOCOS SUR – Patay ang 31 taong gulang na si Randy Fabrigas nang mabaril ng umaawat na pulis Lunes ng gabi sa Barangay 9, Vigan City.

Sa imbestigasyon, nagtungo sa isang sari-sari store ang biktima para umutang ng alak, pero nagalit umano ito nang sabihin ng may-ari ng tindahan na wala silang bentang alak. 

Nagwala ito at bumalik sa kanilang bahay para kumuha umano ng itak.

Aawatin naman sana siya ng naka day-off na si PO1 Jefferson Ardiosa pero siya na ang pinagbalingan ng biktima. 

Nang matumba ang pulis at tatagain na sana ito ng biktima dito na niya nabaril sa ulo at balikat gamit ang service firearm nito.

Dead on the spot si Fabrigas.

“Talagang tatagain na ako, no choice na," paliwanag ni Ardiosa.

“Hindi siya pinagbigyan, as a result nagalit, pinagsisira yung bamboo bridge doon and then siguro nakantyawan kaya pumasok sa loob ng bahay at kumuha ng itak at hinabol ang mga tao na nandun sa paligid niya napahiya siguro," paliwanag ni Supt. Marlo Castillo, hepe ng Vigan City Police.

Desidido naman ang live-in partner ng biktima na kasuhan ang pulis.

Nasa pangangalaga naman ng Vigan City Police si Ardiosa, na nakadestino sa bayan ng Suyo, Ilocos Sur.

“We have to conduct a fair investigation on this, 'yung sinasabi niyang self-defense pwede naman niyang gamitin 'yan if ever lang magtawag ang ating court but we have a process, kaya lang may nagawa siya kaya kailangan natin irefer ang kaso," dagdag ni Castillo.

Tubong Mindanao si Fabrigas na 10 taon nang nasa Ilocos Sur at nagtra-trabaho bilang car wash boy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.