Lalaki patay sa salpukan ng bus, motorsiklo sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2017 03:13 AM

Sumalpok ang minamanehong motorsiklo ng isang 23-anyos na lalaki sa isang pampasaherong bus sa Batac City, Ilocos Norte nitong Lunes ng umaga. Grace Alba, ABS-CBN News

BATAC CITY - Patay ang isang 23-anyos na lalaki matapos sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa kasalubong nitong pampasaherong bus sa Barangyay Magnuang, Batac City nitong Lunes.

Pauwi na sana si Christian Paul Daduyo sa Barangay Dalayap, Pinili, Ilocos Norte nang bumangga siya sa pampasaherong bus.

“Batay sa imbestigasyon, na-occupy niya ang kabilang linya, ‘yung linya ng Fariñas (bus), kasi ‘yung point of impact niya ay sa linya ng Fariñas," ani PO2 Jahn Warren dela Cruz, imbestigador ng Batac City Police Station.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima dahil sa tinamong matinding sugat sa ulo. 

Ayon kay dela Cruz, hindi na umano magsasampa ng reklamo ang pamilya ng biktima sa driver ng bus na si Ferdinand Guerrero at sa bus company.

Hiniling na lang umano nila ang tulong mula sa bus company na handa naman daw magbigay ng tulong pinansiyal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.