'Holdaper', tiklo matapos mahulog ang ID

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2017 05:04 AM | Updated as of Nov 29 2017 05:05 AM

Arestado ang isang lalaki matapos umanong mangholdap sa isang call center agent sa Maynila.

Nahuli ng mga pulis si John Paul Almonte, 25-anyos, matapos mahulog ang kanyang wallet na may lamang ID.

Nangyari ang insidente alas-3 ng madaling araw habang naglalakad sa Singalong St. si Jessica Labilles.

Papunta sana sa gimikan si Labilles nang biglang hablutin umano ng suspek ang bag ng biktima.

Nasugatan pa ang biktima matapos makaladkad ito habang tumatakas si Almonte sakay ng motorsiklo.

Nakuha mula kay Labilles ang cellphone, charger, mga damit, wallet, at cash na may halagang P15,000.

Lingid sa kaalaman ng suspek, nahulog ang kanyang wallet na may lamang ID na agad kinuha ng biktima at sinumbong sa pulis.

"Pinuntahan namin sa bahay with coordination sa Pasay police at 'di naman nanlaban," sabi ni Chief Insp. Paulito Sabulao, hepe ng Arellano police.

Itinanggi naman ng suspek na siya ang nangholdap kay Labilles na nakuhanan sa isang CCTV.

"Hindi ako yun," aniya. Mahaharap si Almonte sa kasong robbery.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.