Bahagi ng Monumento Circle, isasara para sa Bonifacio Day

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2017 09:27 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nakatakdang isara ang bahagi ng Monumento Circle sa Caloocan City para sa pagdiriwang ng Bonifacio Day sa Huwebes, Nobyembre 30.

Nitong Miyerkoles, alas-10 ng gabi, muling isasara ang Monumento Circle para sa mga paghahanda sa programa kinabukasan.

Bubuksan ulit ito alas-10 ng umaga, Huwebes pero isasara muli bandang alas-3 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi dahil sa programa ng lokal na pamahalaan.

Nag-abiso ang lokal na pamahalaan na isang lane lang ang matitira para sa mga motorista habang naglalagay ang mga organizer ng tolda at mga silya.

Ayon kay Hilario Castro, pinuno ng Department of Public Safety and Traffic Management sa Caloocan, may mga alternatibong ruta naman para sa mga karaniwang dumadaan ng Monumento.

Para sa mga galing ng Maynila at bumabagtas ng Rizal Avenue papuntang Valenzuela, maaaring kumanan sa 8th, 9th, o 10th Avenue patungong EDSA para maiwasan ang partial closure ng rotonda.

Makadadaan pa rin ang mga manggagaling ng Quezon City papuntang Valenzuela at Malabon, pati ang mga galing Malabon papuntang Rizal Avenue.

Ang magiging problema lang umano ang pag-ikot sa rotonda.

Natatangi ang pagdiriwang, ayon kay Castro, dahil idineklarang isang national shrine ang Bonifacio Monument sa rotonda.

Handa naman ang Metropolitan Manila Development Authority na tumulong sa pangangasiwa ng trapiko.

Handa rin ang ibang ahensiya ng gobyerno sakaling magdaos ng kilos protesta sa Bonifacio Day.

Nitong Miyerkoles ng umaga, nabulaga ang mga motorista nang bahagyang isara ang Monumento Circle sa kasagsagan ng rush hour.

Nagkaroon kasi ng dry run para sa pagdiriwang. 

Humingi naman ng paumanhin ang lokal na pamahalaan ng Caloocan sa mga motorista dahil sa biglaang pagsara ng kalsada.

Si Pangulong Rodrigo Duterte sana ang mangunguna sa okasyon subalit nagkansela ito, ayon sa National Historical Commission.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.