Baclaran, sinuyod bilang paghahanda sa Kapaskuhan

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2017 01:17 PM

Sinuyod ng Metropolitan Manila Development Authority ang Baclaran nitong Miyerkoles para tiyakin ang kaayusan ng mga kalsada para sa Kapaskuhan.

Sinita ng mga tauhan ng MMDA ang mga tinderong lumagpas sa itinalagang linya na nagiging sanhi ng masikip na daloy ng trapiko.

Isang bulag na mang-aawit sa gitna ng kalsada ang pinalipat ng puwesto.

Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, ito'y upang masiguro na sumusunod ang mga nagtitinda sa mga itinalagang Christmas stalls.

"Although uso na 'yung shopping sa gabi, mahalaga na madaanan 'yong service road ng Baclaran," ani Pialago.

"Hindi naman natin sila inaalisan ng pangkabuhayan kasi naiintindihan namin 'yon pero kailangan din i-maintain natin 'yong cleanliness and orderliness," paliwanag ni Pialago.

Nasa 75 ang bilang ng Christmas stalls na pinahintulutan ng MMDA sa Baclaran.

-- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.