ALAMIN: Mga damay sa panukalang 'dagdag-bawas' sa buwis

Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2017 01:11 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang magtatakda ng bagong sistema ng pagbubuwis sa bansa.

Sa botong 17 na "yes" o pabor at isang "no," inaprubahan ng Senado ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) bill.

Inaasahang makakalikom ng mula P100 bilyon hanggang P130 bilyong pondo ang TRAIN bill na gagamitin sa "Build, Build, Build" program o ang programa para pasiglahin ang impraestruktura sa ilalim ng liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte.

  • INCOME TAX

Kahit magkano pa ang kinikita, awtomatikong P250,000 na ang nakatakdang tax exemption o libreng buwis. 

Base sa dokumentong ibinigay ng Senado na nakabatay naman sa datos ng Bureau of Internal Revenue, tinatayang 6.8 milyon ng 7.5 income taxpayers ang hindi na bubuwisan sa sahod sa ilalim ng bagong sistema.

Halimbawa, ang pampublikong gurong kumikita ng P20,179 kada buwan at kasalukuyang binubuwisan ng 25% sa sahod, magiging income tax-exempt na sa ilalim ng TRAIN Bill. Ibig sabihin, dadagdag sa kaniyang take-home pay ang P2,393 na dating iniaawas bilang buwis sa sahod.

  • ESTATE TAX

Binawasan at sinimplehan na rin ang pagbubuwis sa estate tax o ang buwis sa pag-aaring ipamamana ng isang yumao.

Kung dati'y nag-iiba pa ang porsiyento ng babayarang buwis depende sa halaga ng ari-arian, sa ilalim ng TRAIN Bill, magiging 6% na lang ito ng halaga ng estate.

  • DONOR'S TAX

Sa ilalim din ng panukalang-batas, magiging 6% na lang ang tax sa donasyong nagkakahalaga ng higit P250,000, anupaman ang relasyon ng nagbibigay ng donasyon sa tatanggap nito.

Kasalukuyang binubuwisan ng 30% ang donasyong ibinigay sa estranghero o di kakilala ng nagbibigay ng donasyon.

Nakadepende rin sa halaga ng donasyon ang porsiyento ng buwis na ipinapataw sa kasalukuyang sistema.

  • SWEETENED BEVERAGE TAX

Pinapatawan ng P4.50 na buwis ang kada litro ng inuming gumamit ng sweeteners, habang P9 naman kada litro ang buwis na ipinataw para sa mga inuming gumagamit ng high-fructose corn syrup.

Mas mababa ito kumpara sa ipinasa ng Kamara na P10 dagdag-buwis para sa kada litro ng inuming ginamitan ng asukal mula sa bansa at P20 naman para sa kada litro ng inuming ginamitan ng asukal mula sa ibang bansa.

Sa bersiyon din ng Senado, hindi kabilang sa itinuturing na "sweetened beverage" ang lahat ng uri ng gatas maging ang flavored milk.

Hindi rin kabilang ang kape, maski ang 3-in-1 na klase, dahil lumabas daw sa isang survey na 90% ng kumokonsumo ng 3-in-1 na kape ay low-income earners o iyong mababa ang sahod.

Hindi rin sakop nitong sweetened beverage tax ang 100% na natural fruit at vegetable juices, tsaa na walang asukal, at mga inuming gumamit ng coco sugar o kaya'y stevia.

  • "COSMETIC SURGERY" TAX

Papatawan din ng 10% excise tax ang cosmetic procedures at iba pang klase ng body enhancements na isinasagawa sa ngalan ng pagpapaganda.

Hindi nito sakop ang mga operasyon para tugunang ang mga depekto sa katawan na mula pa noong pagkasilang, pagkalapnos ng balat, at iba pang katulad na medical surgery.

  • VALUE-ADDED TAX

Pinalawig din ang saklaw ng exemption sa value-added tax (VAT) para sa mga maliliit na negosyo.

Mula sa kasalukuyang P1.9 milyon, magiging P3 milyon na ang taunang halaga ng benta ng mga negosyong hindi bubuwisan sa ilalim ng TRAIN bill.

Mananatili rin ang VAT exemption para sa raw food at agricultural products, maging para sa senior citizens, persons with disabilities, business process outsourcing companies, at mga kooperatiba.

Wala rin dapat VAT ang lahat ng ibinebentang gamot na inireseta ng doktor.

Exempted din sa VAT ang mga buwanang rentang hindi hihigit sa P15,000, gayundin ang mga pabahay na nagkakahalaga ng hindi hihigit sa P2 milyon at nasa labas ng Metro Manila.

  • EXCISE TAX SA SASAKYAN

Sa ilalim ng TRAIN bill, papatawan ng 10% buwis ang bibilhing bagong sasakyan na nagkakahala ng P1 milyon pababa. Magiging 20% naman ang excise tax ng sasakyang higit P1 milyon ang presyo.

Kasalukuyang iba-iba ang porsiyento ng buwis na ipinapataw, depende sa presyo ng sasakyan.

  • EXCISE TAX SA PETROLYO

Utay-utay ding ipapataw ang excise tax sa petrolyo sa ilalim ng panukalang batas ng Senado.

Sa unang taon, P1.75 ang madadagdag sa excise tax para sa diesel at bunker fuel oil na kalimitang gamit sa industriya ng transportasyon; P2 sa ikalawang taon; at P2.25 sa huling taon para sa kabuuang P6.

Sa panukala ng Department of Finance, ora mismong P6 dagdag-buwis sa petrolyo ang nais na ipataw habang sa panukala naman ng Kamara, utay-utay ding ipapataw ang P6: P3 sa unang taon, P2 sa susunod na taon, at piso sa huling taon.

Saad ng dokumentong mula sa Senado, 50% ng kumokonsumo ng langis sa bansa ay ang pinakamayayamang 2 milyong pamilyang Pinoy.

  • COAL EXCISE TAX

Papatawan ng P100 na excise tax ang kada metriko tonelada ng coal sa unang taon ng pagpapatupad ng batas; P200 sa ikalawang taon; P300 sa ikatlo at mga susunod pang taon.

Kapag nagkataon, tataas din ang singil sa kuryente bunsod nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.