Aksidente sa EDSA, 'nabawasan' sa paghigpit sa batas-trapiko: MMDA

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2017 07:01 PM | Updated as of Nov 29 2017 07:34 PM

Bumaba umano ang bilang ng mga aksidente ng motorsiklo sa EDSA matapos paigtingin ang pagpapatupad ng motorcycle lanes policy, ayon sa tagapagsalita ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Nasa 12 na lang umano ang karaniwang bilang ng motorcycle-related accidents sa EDSA kada araw mula sa dating 57, ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago. 

Binitawan ni Pialago ang mga pahayag sa gitna ng clearing operation ng MMDA sa Baclaran nitong Miyerkoles.

Nakapagpabilis din umano sa biyahe ng mga pasahero ang yellow lanes na itinalaga para sa mga bus.

Tinatantsang nasa 50 minuto na lang ang haba ng biyahe ng mga bus sa EDSA.

Odd-even scheme 

Nilinaw din ni Pialago na hindi pa pinagtitibay ang pagpapatupad ng "odd-even" traffic scheme sa EDSA.

Sa ilalim ng traffic scheme, dalawang beses sa isang linggo ipagbabawal ang paglabas ng isang sasakyan, depende sa huling numero ng plaka nito.

Noong Lunes, ilang mambabatas sa Kamara ang pumabor sa odd-even scheme na nakiktia nilang solusyon para maibsan ang matinding trapiko sa EDSA.

Pero mungkahi pa lang umano ito ng mga kongresista at kailangan munang aprubahan ng Metro Manila Council, na binubuo ng 17 alkalde ng Metro Manila.

Hindi pa matiyak ng MMDA kung suportado o tutol sila sa panukala dahil kailangan pa nila umanong pag-aralan ito. -- May ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.