2 miyembro ng NPA, patay sa bakbakan sa Surigao Del Sur

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2017 05:31 PM

Patay ang dalawang miyembro ng New People's Army matapos magka-engkwentro ang mga miyembro ng 75th Infantry Battalion sa Barangay Buhisan, San Agustin, Surigao Del Sur ang dalawang grupo Martes ng hapon.

Sugatan rin ang isang sundalo sa insidente.

Nagsagawa ng security operations ang mga sundalo sa nasabing lugar para habulin ang mga NPA na responsible sa pagpatay sa dalawang Lumad at sundalo gamit ang landmines sa Purok 5, San Isidro, Lianga, Surigao Del Sur noong Nobyembre 6.

Ayon sa tagapagsalita ng 401st Brigade na si Captain Rodulfo Cordero, tumagal ng isang oras ang putukan na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang NPA members.

Nasamsam ng mga sundalo ang isang AK47, M653 rifle, compass, blasting caps at detonating cords na ginamit sa pagpasabog ng landmine sa encounter site.

Inaayos na ngayon ng mga sundalo na maibaba ang mga bangkay ng dalawang miyembro ng NPA pero dahil sa masamang panahon, hindi makalapag ang helicopter.

Sa ngayon ay hindi na nakikilala ang dalawang miyembro ng NPA na napatay sa engkwentro.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.