PatrolPH

Laborer na dating boksingero, patay matapos makuryente sa Davao del Sur

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2021 02:07 PM

Nasawi ang isang dating boksingero na naging laborer na matapos makuryente habang may inaayos sa isang gusali sa palengke sa bayan ng Magsaysay, Davao Del Sur nitong Sabado ng umaga.

Ayon sa Davao del Sur Provincial Police Office, ang biktima ay kinilalang si Gerardo "Gerry" Quiñones, 48 anyos.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pinagtrabaho ang biktima para ayusin at palitan ang bubong sa ikalawang palapag ng gusali.

Pero aksidente umanong tumama ang katawan ni Quiñones sa kable ng kuryente ng Davao del Sur Electric Cooperative na may 13,000 voltage na sanhi ng pagkakuryente nito.

Sinubukan pang dalhin ng mga rescuer ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang biktima sa Viacrusis Hospital, pero idineklarang dead on arrival ito.

Si Quiñones ay naging boksingero noong dekada '90 at nakapaglaro pa sa iba't ibang bahagi ng bansa.

—Ulat ni Hermel Tocmo

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.