Sinas pinangunahan unang command conference bilang PNP chief

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2020 01:30 PM

MAYNILA - Pinangunahan ni Philippine National Police Chief Gen. Debold Sinas nitong Sabado ang una niyang command conference bilang pinuno ng pulisya sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Kasama ni Sinas ang lahat ng regional directors at iba pang matataas na opisyal ng pulisya.

Binigyan ng arrival honors si Sinas sa harap ng Hinirang Hall kung saan pinatugtog rin ang paborito nitong musika mula sa anime show na Voltes V.

Watch more News on iWantTFC
Jekki Pascual, ABS-CBN News

Pagkatapos ng arrival honors, pumunta muna si Sinas sa Special Care Facility na matatagpuan rin sa loob ng kampo.

Pinangunahan ni Sinas ang blessing ng bagong mga dagdag na isolation facility para sa mga pulis.

Ipinakita niya rin ito sa lahat ng regional directors at sinabihan sila na may kwarto dito para sa mga pulis na magpopositibo sa COVID-19.

Maari rin aniyang gawin ito sa ibang mga rehiyon.

Nagpakitang gilas rin ang mga K9 at explosives ordnance disposal units sa harap ng mga regional directors.

Ipinakita ng mga ito ang kakayahan ng mga aso na mag-detect ng bomba at droga. Ipinakita rin ng bomb squad ang kanilang technique gamit pa ang isang robot.

Pinag-usapan naman sa closed-door command conference ang mga plano at istratehiya ng pulisya sa mga susunod na buwan, partikular hinggil sa COVID-19 pandemic at sa Kapaskuhan.

Iniluklok ni Pangulong Rodrigo Duterte si Sinas bilang bagong PNP chief nitong Nobyembre sa kabila ng mga kontrobersyang kinaharap nito, kabilang na ang pagsasagawa ng mañanita, isang pagtitipon, noong kaarawan nito noong Mayo sa kabila ng mahigpit na pagbabawal sa mga gathering dahil sa COVID-19 pandemic.

RELATED STORY:

Watch more News on iWantTFC