'Mastermind' umano sa pagpatay sa abogado sa Palawan, sumuko; suspek na pulis kinasuhan

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2020 03:32 AM | Updated as of Nov 28 2020 02:45 PM

MAYNILA - Sumuko na ang utak umano sa pagpatay ng isang abogado sa Palawan nitong Nob. 17, habang isang pulis ay kinasuhan din kaugnay sa naturang krimen. 

Sa text message na natanggap ng ABS-CBN News mula kay Palawan Provincial Office Director Col. Nicolas Torre, sumuko ang "mastermind" nitong Biyernes ng hapon at humingi ng protective custody dahil natatakot siya para sa buhay niya, ilang araw matapos mapatay si Atty. Eric Magcamit sa bayan ng Narra, Palawan.

Ang naturang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng CIDG Palawan.

Matatandaang si Magcamit ay binaril papunta sa isang hearing sa Quezon, Palawan. Natagpuan siya na nakahandusay sa kalsada sa labas ng kanyang sasakyan. 

Kamakailan, kinasuhan ng criminal charge ang isang pulis kaugnay sa pagpatay sa biktima. 

Ayon kay Torre, bukod aniya sa nasabing pulis ay walong iba pa ang kasama umano sa kasong kriminal. 

Personal ang isa sa sinisilip na motibo sa krimen ng mga pulis.--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.