Pagawaan ng mga pekeng dokumento sa Maynila sinalakay; 6 huli

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2019 05:32 PM | Updated as of Nov 28 2019 09:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Anim katao ang arestado matapos salakayin ng mga awtoridad ang gawaan ng mga pekeng dokumento sa Recto, Maynila ngayong Huwebes.

Pinasok ng mga tauhan ng Manila Police District-Special Mayor's Reaction Team (MPD-Smart) ang pagawaan ng mga pekeng dokumento matapos tanggapin ng mga suspek ang bayad mula sa nagpanggap na magpapagawa ng person with disability (PWD) card.

Kabilang sa mga naaresto ang isang barangay tanod na umano ay fixer.

Bukod sa PWD card, inamin ng mga suspek na gumagawa rin sila ng diploma, National Bureau of Investigation clearance, iba't ibang titulo ng lupa, at mga dokumento ng Department of Education.

Nakita ng mga pulis ang mga nakabukas na computer, na may template ng PWD at senior citizen IDs na may pirma ni Manila Mayor Isko Moreno.

Ipinag-utos ni Moreno ang operasyon matapos makumpiska ng Manila Department of Social Welfare ang higit 100 pekeng senior citizen at PWD IDs, na ang iba ay may pekeng pirma ng alkalde.

Bago ang operasyon, nagsagawa rin ang mga awtoridad ng surveillance at test buy sa mga suspek.

Nasa P500 hanggang P2,000 ang halaga ng mga pekeng PWD at senior citizen ID. Mayroon ding blangkong dokumentong ibinebenta sa halagang P150.

Kakasuhan ng falsification of public documents ang mga suspek, ayon kay Major. Rosalino Ibay ng MPD-Smart.

Balak na rin ng Department of Social Welfare and Development na dagdagan ang security measures sa pamimigay ng PWD at senior citizen IDs.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.