P3-M halaga ng 'shabu' nasamsam, 2 timbog sa QC drug bust

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2019 02:55 PM

Nasa P3 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska at 2 umanong tulak ang naaresto sa buy-bust operation sa Quezon City noong gabi ng Miyerkoles.

Sa ulat, kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director Brig. Gen. Ronnie Montejo ang mga suspek bilang sina Saida Amatonding, 26, at Harris Amatonding, 19, na magpinsan mula Caloocan City.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad ukol sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya nagkasa sila ng operasyon, ayon sa pulisya.

Dinampot ang mga suspek sa kanto ng Biak na Bato Street at Quezon Avenue sa Barangay Santo Domingo bandang alas-11:30 ng gabi matapos magbenta ng 6 sachet ng hinihinalang shabu sa isang operatibang nagpanggap na buyer, ayon sa QCPD.

Nakuha sa mga suspek ang 450 gramo ng shabu na nagkakahalagang P3,060,000, 2 credit card, cellphone na ginagamit sa pakikipagtransaksiyon, at buy-bust money.

Kinasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang dinala ang nakumpiskang droga sa Crime Laboratory Office.

-- Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.