Lalaki patay matapos makuryente habang kinukuha ang sinampay sa bubong

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2019 05:25 AM

BATAAN—Patay ang isang lalaki matapos makuryente sa pinagtatrabahuhang gotohan sa Barangay Camaya, Mariveles, Bataan Miyerkoles ng gabi.

Kinukuha ni Jonathan Alvarado, 19 anyos, ang mga isinampay sa bubungan ng gotohan nang tamaan niya ang live wire.

Nabulabog ang mga tindera't residente malapit sa palengke nang marinig ang magkakasunod na putok pasado alas-8:30 ng gabi.

Nakita na lang nila na wala nang buhay si Alvarado. Naitakbo pa sa Mariveles District Hospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival.

Tubong Bicol si Alvarado na higit isang linggo pa lang namamasukan sa gotohan.—Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.