Ilang negosyo, trabaho umarangkada sa gitna ng SEA Games hosting

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2019 07:10 PM

Sa kabila ng mga batikos na kinahaharap ng 30th Southeast Asian Games (SEA Games) na ginaganap ngayon sa bansa, biyaya naman ang turing ng ilan dito. 

Si Norman Caugiran, walang bakas ng pagod sa kabila ng maghapong pagpipintura ng gutter malapit sa mga competition venue sa Clark Freeport Zone.

Aniya, madalang lang daw kasi ang extrang kita sa mga laborer na tulad niya.

"Kasi kung wala itong SEA Games wala kaming pipinturahan," ani Caugiran.

Dumoble naman ang occupancy sa isang hotel sa San Fernando, Pampanga. Karamihan sa mga naka-check-in ay mga delegado at technical staff ng SEA Games. 

"Ang effect nito sa amin is sobrang gandang exposure, then nakatulong sa occupancy namin, more than 50 percent actually for this month," ani Rob Talbo, front office supervisor ng hotel.

Malaking tulong din ang pagho-host ng SEA Games, hindi lang sa turismo kundi maging sa ekonomiya ng mga sports hub ng SEA Games tulad ng Pampanga at Batangas.

"Masaya, maraming tao, fully booked 'yung mga hotels... Siguro kahit hindi panahon ng SEA Games babalik sila sa Pampanga... Dapat walang magsasabing magugutom sila sa Pampanga dahil maraming pagkain dito sa Pampanga," ani Pampanga vice governor Lilia Pineda.

Pagkakataon din ng Laurel sa Batangas para ibida ang kanilang turismo sa downhill, cross country, road race, at iba pang mga cycling events ng SEA Games.

"Hindi lang siya nagpo-focus sa tourist destinations, even the activities at isa na nga ang SEA Games na perfect opportunity for us para mai-promote ang bayan ng Laurel," ani Menchie delos Reyes, tourism officer ng lugar. 

— Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games