Higit 700 kilo ng 'hot meat' mula Bulacan, nasabat sa Ilocos Sur

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2019 10:07 PM

SANTA LUCIA, Ilocos Sur - Aabot sa 700 kilo na karneng baboy sa walong malalaking plastic container ang nasabat ng mga awtoridad sa Ilocos Sur nitong Miyerkoles.

Ayon sa mga awtoridad, aabot sa P120,00 ang halaga ng nakumpiskang karne na dadalhin sana sa Vigan City mula Bulacan.

Saad ng provincial quarantine officer na si Martel Quitoriano, walang naipakitang kaukulang dokumento ang mga nagbiyahe ng mga karne, tulad ng shipping permit at Provincial Veterinary Health Certificate.

“Hindi natin alam kung saan galing kasi wala silang permit," ani Quitoriano.

Hindi sa isang freezer van ikinarga ang mga karne. Hindi din dumaan ang mga ito sa animal quarantine checkpoint sa bayan ng Tagudin.

Higit dalawang buwang binantayan ang galaw ng grupo ng nagbiyahe ng karne.

“Prinu-protektahan po natin ang ating mga local hog raise sa ating probinsiya,” ani Governor Ryan Singson.

Bukod sa paglabag sa provincial ordinance, ihinahanda na ang mga patong-patong na reklamo tulad ng paglabag sa Meat Inspection Code of the Philippines, Consumer Act, at Food Safety Act laban sa tatlong nagbiyahe ng iligal na karne.

Damay din dito ang negosyanteng bagsakan nila ng karne.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.