Cayetano bumuwelta sa mga 'paninira' sa SEA Games; media pumalag

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2019 06:32 PM | Updated as of Nov 29 2019 04:24 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Binuweltahan ni Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) chair at House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga bumabatikos sa kanila sa gitna ng mga naiulat na aberya sa pagho-host ng naturang palakasan dito sa bansa. 

Hindi pa man pormal na nagsisimula ang 30th Southeast Asian Games ay inuulan na ito ng puna dahil sa ilang reklamo ng mga atleta at opisyal ng mga banyagang koponan. 

Pero ayon kay Cayetano, may impormasyon siya na pinagtutulungan ng mga kalaban ng administrasyon ang SEA Games gamit ang mga tinawag niyang "fake news" na pinakalat nitong mga nakaraang araw.

"We have our own analytics, our own metrics system that's available to you. It was only 4 to 5 websites na nagtapon ng fake news... Ilan sa media umamin sa amin na may umaagos na pera na siraan ang SEA Games," aniya. 

"They want to perpetuate the lie. Is the hosting perfect? No. But is it good? It's very good," dagdag niya. 

Tiniyak din ni Cayetano na magtutuos sila ng mg kritiko at aniya'y mga "nananabotahe" sa SEA Games at handa siyang sumailalim sa special audit ng Commission on Audit ang mga ginasta sa pagho-host ng laro. 

MEDIA PUMALAG

Samantala, hindi naman pinalampas ng mga mamamahayag ang puna ng PHISGOC na puro negatibong balita lang ang iniuulat ukol sa SEA Games. 

"Journalists cannot be asked to present only the positive side of certain realities like the Southeast Asian Games preparation because that would constitute spin-doctoring already... The news media should be allowed to do their job in terms of looking at the different elements of news, one of them is oddity," depensa ni University of the Philippines journalism professor Danilo Arao. 

Umalma din ang Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) sa pagsisi ng mga organizer sa media. Giit ng grupo, trabaho ng mga mamamahayag na iulat ang mga problema at isyu na may kinalaman sa interes ng publiko.

"Independent journalists report problems and issues imbued with public interest as they happen and become evident and do not delay the time to press for accountability. We report defeats and victories, failures and triumphs," anila. 

Hindi rin nila matanggap ang tila bintang ni Cayetano na may nangyayaring panunuhol para siraan ang SEA Games. 

"We specially take exception to insinuations by House Speaker Alan Peter Cayetano, who serves as the organizing committee chairman, that there may have been attempts to bribe the media to malign the Philippines' hosting of the Southeast Asian Games. Such sweeping accusations, without a shred of evidence and laced with threats of libel suits, are totally unacceptable and tend to intimidate journalists from reporting irregularities objectively," ayon sa FOCAP.

Paalala naman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa mga organizer, walang lugar sa demokrasya ang diktahan kung paano mag-ulat ang mga mamamahayag.

"Attempting to dictate how the media should report the news has no place in a democracy... The truth is, even if media chose to distort the image, this would do nothing to hide the gargantuan mess the whole world already knows about," anang NUJP. 

Makatutulong umano ang pagpuna sa paghahanda para maiwasang mapahiya muli ang bansa sa hinaharap.

"If anything, shining the light of truth on the state of the SEA Games preparations can only help ensure that our nation and people be spared from being so humiliated in the future."

—Ulat nina Willard Cheng at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.