2 patay sa pagsabog ng granada sa Misamis Oriental

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2019 03:31 PM

Dalawang tao ang namatay habang hindi bababa sa 17 ang nasugatan sa pagsabog ng granada sa loob ng isang paaralan sa Initao, Misamis Oriental ngayong Huwebes.

Kinilala ang mga nasawi bilang sina Ibrahim Bashier, na may dala ng granada, at Police Master Sgt. Jason Magno, isang rumespondeng pulis.

Galing sa tanggapan ng Department Of Environment and Natural Resources (DENR) malapit sa paaralan si Bashier, na nahuling may dalang mga punongkahoy sa sasakyan nito, ayon sa ulat ng pulisya.

Nag-amok sa tanggapan ng DENR si Bashier kaya nagtakbuhan ang mga tauhan ng ahensiya papunta sa covered court ng paaralan, na wala umanong gate.

Rumesponde ang mga pulis sa pag-amok ni Bashier at habang hinuhuli siya, nabitawan ni Bashier ang dalang granada.

Nasawi si Magno sa pagsabog habang napatay naman si Bashier nang mabaril ng mga rumerespondeng pulis.

Kabilang naman sa mga nasugatan ay mga estudyante ng paaralan.

Nakita ang pin ng granada sa DENR office, ayon sa pulisya.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

-- Ulat nina Roxanne Arevalo at Maria Cecilia Butardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.