Bersamin, itinalagang punong mahistrado ng SC

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2018 03:56 PM | Updated as of Nov 28 2018 09:20 PM

Chief Justice Lucas Bersamin. File Photo, ABS-CBN News

Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Associate Justice Lucas Bersamin bilang bagong punong mahistrado ng Korte Suprema. 

Sa appointment paper noong Nobyembre 26, itinalaga si Bersamin bilang ika-25 na punong mahistrado ng bansa. 

Watch more in iWant or TFC.tv

 

Pinalitan niya si Teresita Leonardo-De Castro, na nagretiro 41 araw matapos siyang iluklok sa puwesto pagtuntong sa edad na 70, alinsunod sa mandatory retirement age sa SC.

Naging presiding judge si Bersamin sa Quezon City Regional Trial Court Branch 96 noong 1986. 

Itinalaga siya ni dating pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo bilang associate justice ng Court of Appeals noong Marso 2003 at naging Supreme Court associate justice noong Abril 12, 2009.

Kabilang si Bersamin sa mga bumoto pabor sa pagpapatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno, at sa pagpapalibing kay dating pangulo at diktador Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. 

Sa isang eksklusibong panayam sa ABS-CBN News, iginiit ni Bersamin, hindi mawawala ang kaniyang kasarinlan sa pagdedesisyon ukol sa mga kaso. 

"At the time I made these decisions, I saw the merits that were submitted to us," ani Bersamin

"I hope the president pardons me when I say that 'thanking you Mister President' is not going to mean that I owe you anything," dagdag niya. 

Nangako si Bersamin na ipagpapatuloy niya ang mga programang sinuportahan niya magmula pa noong itinalaga siya bilang associate justice, maging ang disiplina sa buong hudikatura. 

Nakatakda ring magretiro si Bersamin matapos ang 11 buwan, dahil din sa mandatory retirement age. 

Magugunitang nabakante nitong 2018 ang posisiyon ng chief justice nang mapatalsik si Sereno matapos paboran ng mayorya ng mga hukom ng SC ang quo warranto petition na inihain laban sa kaniya ng Office of the Solicitor General. 

Naniwala ang karamihan ng mga hukom ng Korte Suprema sa bintang ng Solicitor General na sapat na basehan ang umano'y kulang-kulang na SALN ni Maria Lourdes Sereno para alisin ito bilang chief justice. ​

Nag-apply din sina acting Chief Justice Antonio Carpio, Associate Justices Diosdado Peralta, Estela Perlas-Bernabe, at Andres Reyes Jr. sa posisyon. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Tingin ni Senator Grace Poe, naging "patas" si Bersamin sa mga kasong dumaan sa kaniya. 

Giit ni Integrated Bar of the Philippines president Abdiel Dan Elijah Fajardo, hindi nasunod ang seniority rule gaya nang sinabi ni Duterte nang iluklok sa puwesto si De Castro. Gayunman, tanggap niya ang desisyon ni Duterte. 

"We said before that seniority would've been a good tradition to follow because it somehow creates some kind of predictability in the appointments... and it would avoid jockeying and lobbying for the position," paliwanag ni Fajardo. 

Pero nabanggit ni dating Ateneo School of Government dean Tony La Viña, maaaring magkaroon ng girian kung hindi ang pinaka-senior justice ang magiging punong mahistrado. 

Kampante si Bersamin na walang magiging girian sa samahan ng mahistrado sa Korte Suprema sa ilalim ng kaniyang termino. 

"They love me and I love them also... No problem for me being accepted by my colleagues and me accepting them... Wala akong history na nakaaway," aniya. 

Bukod kay Bersamin, itinalaga rin ni Duterte si Court of Appeals Associate Justice Rosmari Carandang bilang bagong Supreme Court Associate Justice. 

Sa isang pahayag sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na kumpiyansa ang Malacañang na maitataguyod ng dalawang hukom ang kasarinlan sa Korte Suprema. 

"We are confident that CJ Bersamin and AJ Carandang will continue to uphold judicial excellence, assert its independence and stand firm against erring members of the bench, the bar, and court personnel," aniya. -- May ulat ni Mike Navallo at Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.