'Aswang' na ina, minartilyo ng anak

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2018 09:33 AM

Nakaburol ngayon sa chapel ng Barangay Sto. Niño sa Tacloban City ang mga labi ni Delia Betor. Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

TACLOBAN CITY – Patay ang isang babae matapos na martilyuhin ng 24-anyos na anak sa Barangay Sto. Niño, Lunes ng gabi.

Nakaburol na ngayon sa chapel ng barangay ang mga labi ni Delia Betor. Arestado naman ang anak nitong si Germas.

Nadiskubre lang ang insidente nang makita ng isa pang anak ng biktima ang kapatid na duguan ang mga kamay at umaming pinatay ang kanilang ina dahil aswang daw ito.

Sa imbestigasyon ng Station 2 ng Tacloban City Police Office, nagtamo ng walong sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima.

Matapos na patayin ang ina, pumatay rin si Germas ng isang aso at binasag ang salamin ng isang junkshop na malapit sa pinangyarihan ng krimen. Ang aso at junkshop ay kapwa pagaari umano ng kanilang barangay chairman.

Napag-alaman pa ng awtoridad na sumisinghot ng rugby ang suspek at posibleng high nang magawa ang krimen.

Nakakulong na ngayon sa custodial facility ng Tacloban City Police Office ang suspek at nahaharap sa kasong parricide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.