2 patay nang manlaban sa buy-bust

Kevin Dinglasan at Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2018 11:51 AM | Updated as of Jan 09 2020 05:19 PM

Napatay sa buy-bust operation si Dennis Guilas matapos na manlaban nang makatunog na operatiba ang katransaksiyon sa Calamba City. Larawan mula sa Calamba City Police

CALAMBA CITY - Patay sa magkahiwalay na operasyon sa Calamba City ang dalawang lalaki na kabilang sa drugs watchlist ng awtoridad, Martes ng gabi.

Sa video na kuha ng Calamba City Police, maririnig ang sunud-sunod na putok ng baril. Ilang sandali pa at lumusob na ang mga operatiba. Isang pulis rin ang tila may tama ng bala pero swerteng ligtas ito dahil nakasuot siya ng bulletproof vest.

Target sana ng operasyon ang pagaresto sa 3 kabilang sa drugs watchlist. Natunugan umano ng mga ito na pulis ang katransaksyon kaya nagpaputok agad ng baril.

Watch more in iWantTFC

Agad din namang gumanti ng putok ang pulisya kung saan napatay si Dennis Guilas. Nakatakas naman sina Ramonchito Fajardo, alyas Barok, at si Jayson Garcia, alyas Budjang.

Nakumpiska sa suspek ang isang bulto ng hinihinalang shabu at isang baril.

Tulad ni Guilas, buhay din ang naging kapalit sa ‘di pagtigil sa bisyo ni Ronald Bistre.

Napatay si Bistre sa loob ng isang video game place sa Barangay Turbina matapos umanong manlaban sa mga operatiba.

Dead on the spot ang suspek na napuruhan ng bala sa dibdib.

Narekober pa sa suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu at isang ring baril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.