2 'holdaper' patay sa engkuwentro ng mga pulis

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2018 05:12 AM

MAYNILA - Dead on the spot ang 2 hindi pa nakikilalang lalaki matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa Novaliches, Quezon City.

Nakasuot ng itim na jacket, pulang shorts, at itim na sombrero ang isang nabaril habang naka-blue na jacket at gray shorts naman ang isa.

Ayon sa unang biktima, huminto siya sa may Urduja St. para umihi nang bigla nalang siyang hintuan ng riding-in-tandem.

Bumaba ang 2 lalaki, tinutukan siya ng baril, at sapilitang kinuha ang kaniyang motorsiklo. 

Kuwento naman ng pangalawang biktima, nag-balance inquiry lang siya sa isang ATM sa Quirino Highway nang bigla na lang siya lapitan ng riding-in-tandem at hinoldap. Nakuha sa biktima ang bag na naglalaman ng P3,000 at cellphone.

Ayon kay Supt. Rossel Cejas, hepe ng Novaliches Police Station, nakita ng mga pulis ang 2 lalaki na tugma sa paglalarawan ng mga biktima sa Villareal St., Barangay Gulod.

Lalapitan pa lamang ng mga awtoridad ang 2 ay agad na itong tumakas at nagpaputok ng baril hanggang sa masukol sa may Veronica St.

Positibong kinilala ng mga biktima ang 2 napatay na suspek na siyang nangholdap at kumuha ng motorsiklo. - ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.