Tricycle na umiwas sa aso, nahulog sa tulay; 1 patay

Albert Lumbera , ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2017 06:52 PM

Patay ang isang lalaki matapos mahulog ang minamaneho nitong tricycle mula sa isang tulay na walang harang sa Batangas noong Linggo ng hapon. 

Dating overseas Filipino worker ang nasawi na nakilalang si Raymundo Cabral, 54-anyos at residente ng Barangay Laurel sa bayan ng San Pascual.

Base sa kuwento ng asawa ni Cabral, nakatanggap siya ng tawag mula sa pulisya tungkol sa aksidente na naganap sa Barangay Luntal sa Bayan ng Tuy. 

“Akala ko kaya siya tumawag kasi yung anak ko bumili sa Nasugbu ng motor akala ko may naiwang document sabi ko bakit po sabi niya siya ‘Ma’am naaksidente po ang asawa niyo,’” kuwento ni Noemi Cabral. 

Hindi inaasahan ni Noemi na patay na ang kanyang asawa.

Ayon naman sa kapatid ng nasawi, mabait at masipag na kapatid si Cabral kaya hindi niya lubusan matanggap ang nangyari sa dito.

“Napakasakit sa aking kalooban ang pagkawala ng aking kapatid sa ganong aksidente sa kalsadang ginagawa ng DPWH na wala man lang safety precaution sa kanilang ginagawa,” sabi ni Julia Cabral Garces.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng matulin ang takbo ng tricycle kaya hindi agad nagawang ma-kontrol ng drayber ang manibela.

“Yung driver, habang nag ta-traverse siya ng San Pascual may nakita raw na aso so yung aso iniwasan niya siguro. Nagulat siya nung nakita yung aso medyo mabilis ang kanyang liko hindi niya nabawi nahulog siya sa opposite ng tulay,” said Senior Inspector Domingo Ballesteros Jr.

Sa ngayon ay hindi pa alam ng pamilya kung ano ang susunod nilang gagawin matapos silang mawalan ng kamag-anak pero ayon sa pamunuan ng DPWH, nakapag-usap na ang pamilya at kontraktor ng ginagawang tulay.

“Sabi niya sa akin, sabi nung contractor ay i-uupdate niya kami. But for now, wala kaming natatanggap between the family and the contractor,” ayon kay Engr. Godofredo de Villa, hepe ng construction section ng DPWH sa Batangas.

Nanawagan naman ang pulisya sa mga motorista na pairalin ang dobleng pag-iingat para maka-iwas sa aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.