Tricycle driver, patay sa pamamaril sa South Cotabato

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2017 09:45 PM

SOUTH COTABATO- Palaisipan hanggang ngayon para sa pamilya Abay-abay ang pagkamatay ng kaanak nilang si Condrad na pinagbabaril ng mga nakamotorsiklong salarin sa National Highway ng Barangay Crossing Palkan sa bayan ng Polomolok nitong Linggo ng umaga.

Ayon sa bayaw ng biktima na si Keynth Esperida, walang maisip na motibo ang kanilang pamilya sa pagpatay kay Condrad. 

Bukod pa sa biktima, sugatan rin ang isa pa niyang bayaw na si Alberto Abay-abay, Jr. na tinaman sa likod. 

Natanggal na ang bala sa likod ni Alberto matapos itong maoperahan. 

Sugatan din ang amain ng biktima na si Alex Podinao at kapitbahay nilang si Bebot Escobio.

Papunta sana sila sa Polomolok Sports Complex para magsabong. 
Ihahatid lang umano sana ni Condrad ang kanyang mga kasama.

Batay sa imbestigasyon ng Polomolok Police Station, nakasunod ang tatlong nakamotorsiklong kalalakihan. 

Tinitingnan sa imbestigasyon ang motibong may kinalaman sa alitan sa lupa ang pamamaril.

Ikinukumpara na rin sa crime laboratory ang ang basyo at balang narekober sa crime scene para malaman kung nagamit na sa ibang krimen ang baril na ginamit ng mga salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.