Tigil-pasada sa Lunes at Martes, ikinasa ng Piston

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2017 05:39 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Muling magkakasa ng malawakang tigil-pasada o transport strike ang grupong Piston sa Disyembre 4 at 5 o sa Lunes at Martes.

Tugon ito ng Piston sa banta raw ni Pangulong Duterte na simula Enero, hahatakin na ang mga lumang jeepney na patuloy na papasada.

Sinabi ng Piston na kasama nito sa panawagan kontra jeepney modernization program ang "No to Jeepney Phaseout" coalition na suportado rin ng Kilusang Mayo Uno, Gabriela, at iba pang grupo.

Giit pa ng Piston, hindi modernisasyon ang pakay ng jeepney modernization program kundi malaking negosyo at korupsiyon sa pamahalaan.

Alegasyon pa ni Piston president George San Mateo, paraan lang umano ni Duterte ang jeepney phaseout para magpapogi sa mga dayuhan at lokal na kapitalista.

Wala pang tugon dito ang Malacañang at maging ang mga ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa jeepney modernization program.

Nito lang Oktubre 16 at 17, nagtigil-pasada rin ang Piston bilang pagtutol sa programa.

Nauna nang nagbanta ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na tatanggalan ng prangkisa ang mga lumalahok sa strike. 

Kasabay ng naunang transport strike, sinuspende rin ang klase sa mga paaralan at pasok sa mga tanggapan ng gobyerno.

Nauna nang binalaan ni Duterte ang mga jeepney operator at transport group na sila'y ipakukulong kung hindi susunod sa balak ng pamahalaan na jeepney modernization program.

"I'm giving you until the end of the year, sumunod kayo kasi January 1, kapag may nakita ako na hindi narehistro, luma, guguyurin ko 'yan sa harap niyo," ani Duterte.

“Aarestuhin ko talaga kayo, believe me… You give me now the reason to enforce the law,” dagdag ng Pangulo.

Nagbitaw din noon ng mabibigat na salita ang Pangulo laban sa mga tutol sa jeepney modernization. 

"Mahirap kayo? P****g i*a, umalis kayo. Magtiis kayo sa hirap at gutom, wala akong pakialam,” ani Duterte.

-- May ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.