PANOORIN: LRT train bumiyahe nang bukas ang pinto

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2017 08:29 AM | Updated as of Nov 28 2017 09:56 AM

MANILA - (UPDATED) Bumiyahe ang isang tren ng LRT-1 nang bukas ang pintuan nitong Lunes ng gabi, sabi ng isang pasahero, Martes.

Sa video na kuha ni Jason Ibe, makikita ang pagtakbo ng nagkaaberyang tren mula Vito Cruz hanggang Quirino station dakong alas-6:50 ng gabi.

"Noong una natatawa ako kasi once in a lifetime ka lang makakakita ng ganoon na encounter at super random. Pero in the end, nakakatakot din kasi baka may mahulog or mas malala pang mangyari," kuwento ni Ibe sa panayam ng ABS-CBN News.

Mabuti na lang aniyang nangyari ang insidente sa isang skip train kaya hindi siksikan noon ang mga pasahero.

Dagdag ni Ibe, walang ibinigay na paliwanag sa kanila ang mga tauhan ng LRT nang makarating sila sa Quirino station, pero nakita niya ang maintenance team na sinisiyasat ang wiring sa pinto ng tren.

Sinabi naman ni Engr. Rod Bolario, director ng LRT-1 operations, na nangyari ang insidente dahil sa pagpapasaway ng isang pasahero.

"Somebody activated one door... It's good there's a train technician on board so he normalized it in the next station," sabi ni Bolario sa isang text message sa ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.