'Pagiging kontento ng mga Pinoy sa trabaho, nabawasan'

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2017 10:25 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

May kinalaman ang mga katrabaho at benepisyo sa pagtimbang ng isang empleyado sa kaniyang trabaho, ayon sa isang eksperto.

Batay kasi sa resulta ng survey na inilabas noong Oktubre ng isang careers website, bumaba ang job satisfaction level o ang antas ng pagiging kontento sa trabaho ng mga Pilipinong manggagawa.

Ayon sa Jobstreet.com, sa sukatang 10 puntos, 4.97 lang ang job satisfaction level sa Pilipinas, mas mababa sa 5.25 na naitala noong 2016.

Isinagawa ang survey sa 9,326 Pinoy respondents na miyembro ng Jobstreet mula Hulyo 31 hanggang Agosto 31, 2017.

Paliwanag sa programang "Todo-Todo Walang Preno" ng DZMM ni Monica Palomare, campus marketing specialist ng Jobstreet, kabilang ang mga katrabaho at benepisyo sa mga nakaaapekto sa paninimbang o pananaw ng isang empleyado sa kaniyang sitwasyon sa pinagtatrabahuhan.

"Based doon sa survey, hindi sila masyadong masaya... pagdating doon sa benepisyo. Hindi lang tungkol sa suweldo, pero 'yong ibang benepisyong matatanggap nila. So importante 'yon sa kanila," sabi ni Palomares.

Hindi rin aniya masyadong masaya ang mga na-survey na manggagawa sa aspeto ng kanilang pag-unlad sa loob ng kompanya.

Maging ang distansiya ng opisina sa bahay ng empleyado ay nakadadagdag din daw sa hindi pagiging masaya ng isang manggagawa sa kaniyang trabaho.

"[Importante rin sa kanila] kung maggo-grow ba ako sa isang kompanyang 'yon... 'Yong iba pang practical na requirements tulad ng 'malapit ba 'to sa bahay ko?' o work schedule, maayos ba?" ani Palomares.

Base pa rin sa survey, maraming nagsabing magbibitiw sila kung hindi nila makakamit ang umento sa sahod at pag-unlad sa trabaho sa susunod na anim na buwan.

"Sinabi rin nila na ang magpapasaya sa kanila, in the next six months is... number 1: kung magbabago suweldo nila; number 2: ipo-promote ba sila sa trabaho; or number three: kung wala talaga [mangyayari], magre-resign talaga sila," saad ni Palomares.

Payo naman ni Ariel Ureta kung magbibitiw man sa trabaho, ugaliin pa ring maging propesyonal sa pakikitungo sa mga dating kasamahan sa trabaho.

"Hangga't hindi ka nagre-resign sa pinapasukan mo, huwag mong sisiraan... or kahit umalis ka na quiet ka na lang," ani Ureta.

Lumabas din sa survey na mahalaga man ang suweldo, hindi ito ang pangunahing nagpapasaya sa empleyado sa kaniyang trabaho.

"Based sa survey namin, ang nagpapasaya talaga sa kanila ay hindi pera. Surprisingly... 'yong mga kasamahan nila o 'yong colleagues nila. Pangalawa do'n 'yong work location," paliwanag ni Palomares. 

Kabilang din sa nakapagpapasaya sa isang empleyado ang reputasyon ng kanilang kompanya.

"'Yong company reputation is that stable ba 'yong company'ng pinupuntahan nila? Ang pangalawa, majority of them, iniisip nila kung mayroon bang pangalan, kilala ba 'yong company'ng papasukan nila kasi importante 'yon sa Filipino employees," ani Palomares.

Ayon sa survey na isinagawa rin sa iba pang bansa sa Southeast Asia, pinakamataas ang job satisfaction level sa Indonesia na nagtala ng 5.27; sinundan ito ng Vietnam na nagtala ng 5.19.

Pumangatlo ang Pilipinas sa 4.97; sunod ang Malaysia na may 4.65; Hong Kong sa 4.45, at huli ang Singapore na nagtala ng 4.31.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.