P2.5-M halaga ng shabu, nasamsam sa North Cotabato

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2017 04:46 PM

Arestado sa isinagawang buy-operation ng Philippine Drug Enforcement Agency ang 3 indibidwal sa Pigcawayan, North Cotabato Martes ng umaga.

Kinilala ang mga suspek na sina Mohammad Tuankalo Macalimpas, Samsudin Balolong Kato at Noraida Alamada Samaon.

Nakuha mula sa kanila ang 7 malalaking pakete ng ilegal na droga na may bigat na kalahating kilo at nagkakahalaga ng halos P2.5 milyon.

Ibinalot umano ang droga sa cellophane na may lamang tinapay saka ibinigay sa PDEA agent na nagpanggap na buyer.

Nakasakay ang mga suspek sa isang van na may nakasabit na tarpaulin na nagsasabing sila ay mga delegado sa Bangsamoro Assembly na isinagawa sa Sultan Kudarat.

Base sa nakuhang ID ng PDEA, miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang pangunahing target na si Macalimpas.

Nakasuot rin ito ng uniporme ng MILF.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek pero kinumpirma nitong galing sila sa Bangsamoro Assembly nitong Lunes.

Wala pa ring pahayag ang pamunuan ng MILF na magpapatunay sa pagiging miyembro ni Macalimpas.

Naniniwala ang PDEA na bahagi si Macalimpas ng mas malaki pang sindikato ng droga sa Cotabato City at Maguindanao.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa himpilan ng PDEA-ARMM at nakatakdang kasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.