MRT train 3 beses tumirik, nagpababa ng pasahero

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2017 02:27 PM

MANILA - Nagpababa ng mga pasahero ang isang southbound na tren ng MRT-3 matapos itong 3 beses na huminto, Martes. 

Makailang ulit na tumirik ang tren sa pagitan ng Cubao at Boni stations dahil sa problema sa automated train protection (ATP) system nito, alas-11:30 ng umaga, ayon sa MRT control center. 

Labing-apat na tren ang tumatakbo hanggang alas-12:20 ng tanghali. 

Binawi ng Department of Transportation ang maintenance ng MRT nitong Oktubre mula sa Busan Universal Rail Inc. dahil sa madalas na mga aberya sa tren. 

Sa magkahiwalay na insidente ngayong Nobyembre, naputulan ng braso ang isang pasahero ng MRT at nakalas ang 2 bagon kaya naglakad sa riles ang nasa 130 pasahero. 

Nagbitiw sa puwesto si transportation undersecretary for rail Cesar Chavez noong nakaraang linggo dahil sa mga naturang aberya. 

May ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.