Mga taga-Korte Suprema, pinayagang humarap sa Sereno case

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2017 11:22 PM | Updated as of Nov 28 2017 11:38 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Maaari nang humarap sa impeachment proceedings laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa House justice committee ang kaniyang mga kapwa mahistrado at iba pang katrabaho sa Korte Suprema.

Sa desisyon ng Supreme Court (SC) en banc, puwera kay Sereno, sumang-ayon ang mga associate justice na payagan ang mga imbitado na dumalo sa hearing at talakayin ang mga administratibong isyu sa korte. 

"The Court is not requiring them, but the Court is granting them clearance if they so wish to appear and testify on administrative matters," ani Theodore Te, tagapagsalita ng SC.

Samantala, tanging si Associate Justice Teresita de Castro lang ang binigyan ng espesyal na awtorisasyon na magsalita sa "adjudicative matters" o mga usaping may kinalaman sa pagdedesiyon ng kaso sa korte. 

Nilimitahan sa tatlong punto ang maaaring talakayin ni De Castro sa Kamara:

  • Ang paglalabas ng temporary restraining order sa kaso ng senior citizens at ang naging usapan nina De Castro at Sereneo; 
  • Kawastuhan ng hatol sa clustering sa Judicial and Bar Council; 
  • Ang kaniyang hatol sa kaso ng nominasyon ni noon ay Solicitor General at ngayon ay Associate Justice Francis Jardeleza.

Gadon, muling ginisa

Sa umpisa pa lang ng ikalawang hearing sa pagkilatis sa probable cause o merito ng reklamo laban kay Sereno, pinuna ni justice committee chair Reynaldo Umali na hindi pa nagbibigay si Atty. Lorenzo "Larry" Gadon ng listahan ng mga dapat imbitahan sa pagdinig.

Si Gadon ang nagsampa ng impeachment complaint upang mapatalsik sa puwesto si Sereno. Ang kaniyang reklamo ang kasalukuyang tinatalakay sa Kamara.

Inamin rin ni Gadon na wala siyang ebidensiya na first class sa eroplano kung bumiyahe si Sereno.
    
Pero aniya, puwede niyang patestiguhin si SC Court Administrator Midas Marquez dahil nakasabay umano nito si Sereno na nasa "business class."

Pinuna ng mga mambabatas si Gadon na iba ang first class sa business class. 

Sa manwal ng SC, pinapayagan ang chief justice na lumipad sa business class. 

Pero ani Gadon, ang ibig niyang sabihin ng "first class" ay kahit anong "mas mahal" kaysa sa economy. 

Inamin din ni Gadon na hindi niya maalala kung sino ang may sabi sa kaniyang maluho si Sereno. Aniya, basta't alam niyang empleyado ito ng korte dahil sa ID nito.

'Loopholes'

May babala naman ang isang opposition lawmaker sa mga taga-SC na nagpaplanong dumalo at ilantad sa publiko ang mga gusot sa loob ng mataas na opisina.

"Differences among the members of the High Court should not be a viable ground for impeachment...For those in the High Court exposing their squabbles and in a way washing dirty linen before the public is not commendable for an institution which is called upon to be sober and to play the role of arbiter where the political departments fail," ani Albay Rep. Edcel Lagman.

Para kay Lagman, ginagamit ang komite para makabuo ng kaso laban kay Sereno dahil halata ito sa mga pagkukulang ni Gadon.

"The committee is venturing on evidence-gathering to plug the loopholes in."

Taliwas naman ito sa opinyon ni House Speaker Pantaleon Alvarez na walang nakikitang problema sa usad ng pagdinig.

Pinawi naman ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas ang pangambang ipaaaresto ni Umali si Sereno dahil hindi ito humaharap sa komite.
    
Ayon kay Fariñas, hindi puwedeng pilitin na humarap ang isang respondent na gaya ni Sereno.

"Whether it is administrative or criminal, you cannot compel the respondent or the accused to testify. Kaniyang call iyan. That's the right of the respondent," ani Fariñas.

Aguirre, may hinaing kay Sereno

Humarap rin si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kaugnay ng bintang na nagmaniobra si Sereno para mabitin ang hatol ng Korte sa hiling na ilipat ang paglilitis sa Maute group sa labas ng Mindanao. 

Mahigit 50 araw daw bago lumabas ang hatol ng Korte Suprema.
    
Matatandaang inapela ni Aguirre ang unang hatol na sa Cagayan de Oro ito litisin. 

Pinatawag aniya siya ni Sereno para pagsabihang i-tone down o gawing mas magalang ang kaniyang apela. 

Dagdag ni Aguirre, tila "improper" o hindi nararapat ang ginawang suhestiyon ni Sereno. 

Hindi rin daw agad napag-usapan sa court en banc ang apela dahil absent daw sa isang sesyon si Sereno.

"The request was granted after the lapse of 50 days on my part after I first requested the same on May 29," hinaing ni Aguirre.

Kinontra naman ito ng kampo ni Sereno at sinabing agad umaksiyon ang buong Korte sa hiling ni Aguirre.  

Simula pa noong una, iginigiit na ni Sereno na kasinungalingan ang lahat ng ipinupukol sa kaniya.

    
--Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.