LTFRB, naghahanda ng job fair para sa mga nahinto sa pagmamaneho

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2017 06:32 PM | Updated as of Nov 28 2017 07:20 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na may inoorganisa silang job fair para sa mga driver na nawalan ng trabaho, gaya halimbawa ng mga galing sa mobile ride-hailing app na Angkas na inihinto o kusang huminto ng operasyon kamakailan. 

Sa panayam ng programg Kabayan sa DZMM, sinabi ni LTFRB spokesperson Aileen Lizada na nakipag-ugnayan na sila sa Department of Labor and Employment (DOLE) at sa kalihin nitong si Silvestre Bello III upang matugunan ang hinaing ng mga displaced driver. 

"Nag-coordinate na kami kay Secretary Bello ng DOLE and very supportive po siya. Kaya on December 13, there is a job fair. Forty to fifty employers of the Public Employment Service Office (PESO) of DOLE already signified they will attend and Grab, Uber and U-Hop also signified that they want to be present in that job fair," ani Lizada. 

"DOLE is also offering another kind of assistance which is livelihood so baka yung mga misis nila [gustong subukan]," dagdag nito.

Matatandaang isinara ang opisina ng Angkas noong Nobyembre 9 dahil sa kawalan umano ng permit.

Giit ng LTFRB, bukod sa batas na nagbabawal dito, ang motorsiklo umano ay hindi nilkha upang maging public transport.

"Para malinawan po ang lahat, we have RA 4136, that is a 1964 law. Part of it nagsasabi na bawal ang mga private motor vehicles to take in paying passengers," saad ni Lizada.

Kung nais umano ng Angkas makabalik sa pagpasada, dapat ay isulong nila ang kanilang panukala sa mga kongresista para maisalang ito sa Kongreso. 

"Kaya we invited the offices of House Speaker Pantaleon Alvarez to attend our December 12 dialogue para marining nila ang hinaing ng mga Angkas at habal-habal," ani Lizada.

Nakatakdang magharap ang LTFRB at ang pamunuan ng Angkas sa Disyembre 12 upang plantsahin ang nasabing gusot. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.