Bilang ng mga namimili sa Divisoria, 'dumoble' na

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2017 05:38 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nagsimula nang dumagsa ang mga tao sa Divisoria sa Maynila upang mamili ng mga ipangreregalo para sa Kapaskuhan.

Tampok kasi sa lugar ang iba't ibang produktong mabibili sa murang halaga.

Sabik din ang mga manininda sa pag-aayos ng kanilang puwesto dahil anila'y dumoble na ang bilang ng mga taong nagpupunta ng Divisoria.

Nagbigay ang ilang manininda ng mga maaaring ipangregalo na kakasya sa budget. Para sa mga ama, maaaring magregalo ng coffee mug na nasa P50 lang o kaya'y tatlong piraso ng underwear na P100.

Puwede namang ipangregalo sa mga ina ang bed sheets na nasa P150 o kaya'y mga tuwalyang naglalaro sa presyong P15 hanggang P35, depende sa laki.

May ilawan o lamparang patok sa mga mag-aaral na nasa P150 at mga stuffed toy na P75 kada piraso.

Mabenta rin sa mga mamimili ang clip fan na nasa P150.

Nitong Lunes, ala-1 pa lang ng madaling araw ay namimili na sa Divisoria ang magkakaibigang sina Maris Barlys, Ysabel Esteban, at Jaya Dinioso.

Ipinagmalaki ni Barlys na marami na ang kaniyang mabibili sa halagang P1,500.

Si Esteban naman ay namakyaw ng mga laruan para sa kaniyang mga inaanak. P100 lang umano ang ginastos niya.

Paliwanag naman ni Dionisio, nauna na silang mamili para hindi na makipagsiksikan sa maraming tao.

Payo din ng mga manininda na agahan na ang pagtingin o pagbili para makaiwas sa mas maraming taong inaasahang dadayo sa Divisoria sa Disyembre.

-- Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.