1 patay, 4 sugatan sa mga aksidente sa motorsiklo magdamag

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2017 06:11 AM

Patay ang isang rider matapos masagi umano ng taxi ang minamanehong motorsiklo sa C.P. Garcia Ave., Quezon City Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Antonio Rocamora. Ninakawan pa raw siya ng kanyang bag.

Nangyari ang aksidente pasado alas-9 ng gabi habang pauwi ang biktima galing sa pag-aaring tindahan sa Maynila.

Ayon sa isang testigo na si Jeff Jaranilla, sinubukan umano ng biktima na umabante sa kanan pero nasagi ito ng taxi sa likuran.

Samantala, 3 naman ang sugatan sa pagsalpok ng motorsiklo sa isang barangay mobile sa Valenzuela City.

Tumilapon sa gitna ng kalsada ang rider habang pumailalim sa mobile ang kaangkas na pinsan niya. Inaalam pa ng awtoridad ang kanilang mga pangalan.

Nasugatan din ang tanod na si Ernesto Galang na nakasakay sa likod ng mobile.

Ayon sa barangay, galing umano sa inuman ang magkaangkas at papauwi ng Bulacan nang mangyari ang banggaan sa MacArthur Highway sa Barangay Dalandanan.

Sa Quezon City ulit, sugatan din ang isang rider matapos mabangga ang minamanehong motorsiklo sa isang drum barrier sa Tandang Sora Ave., Quezon City.

Dinala agad sa ospital si Joel Tabula, 49-anyos.

Kwento ng nakakita, matulin ang takbo ni Tabula. Aminado din ang biktima na nakainom siya. - ulat ni Vivienne Gulla, Anjo Bagaoisan, at Jekki Pascual, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.