'Mega shabu lab' nadiskubre sa bodega sa Virac

Erick Baldo, ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2016 09:54 AM

MANILA - Isang hinihinalang shabu laboratory ang nadiskubre ng pulisya sa isang bodega sa Virac, Catanduanes Linggo.

Sa inspeksyon ng police Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) at Scene of the Crime Operatives, tumambad ang sari-saring gamit sa paggawa ng droga tulad ng mga kemikal, hydroelectric generator, motorized mixing apparatus at timbangan.

Pinaghahanap ng pulisya ang isang Jason Gonzales Uy na sinasabing rumerenta sa bodega.

Ayon naman sa mga opisyal ng Barangay, nitong Marso humingi si Uy ng clearance para magtayo ng bodega ng plasticware.

Anila, malawak ang lupain na kinatatayuan ng gusali at malayo ito sa mga kabahayan. Napapansin din nilang maliwanag ang bodega tuwing gabi.

Ayon sa AIDG, maikokonsiderang mega shabu laboratory ang gusali na kayang makagawa ng 200 hanggang 500 na kilo ng shabu kada production cycle.