Kandidato sa pagka-konsehal sa Pampanga, patay sa pamamaril

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2021 02:47 PM

Patay si Rogelio
Patay si Rogelio "Jon" Salvador, kandidato sa pagka-konsehal sa San Simon, Pampanga at kaniyang driver matapos paulanan ng bala ang kanilang sasakyan sa San Simon-Baliwag Road sa Barangay San Miguel, Pampanga umaga ng Nobyembre 27, 2021.

Patay sa pamamaril ang isang kandidato sa pagka-konsehal sa San Simon sa Pampanga kasama ang kaniyang driver Sabado ng umaga.

Nakilala ang biktimang kandidato na si Rogelio "Jon" Salvador.

Ayon sa saksi, bumibiyahe ang biktima sakay ng kaniyang SUV habang ang mga salarin naman ay lulan ng isang sasakyan at binabagtas ang kabilang direksyon.

Pinaulalan ng mga salarin ng bala ang sasakyan ng biktima nang magpang-abot sa San Simon-Baliwag Road sa Barangay San Miguel, pasado alas-7:30 ng umaga Sabado.

Namatay din ang kaniyang driver, habang isinugod sa ospital ang isa pang pasahero. 

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang motibo at kung sino ang nasa likod ng pamamaril.

- Ulat ni Gracie Rutao