Umano'y miyembro ng kidnap-for-ransom group sa Ilocos Region, timbog

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2020 05:24 AM

Kuha ng PNP-Anti-Kidnapping Group Luzon Field Unit

Isang miyembro umano ng kidnap-for-ransom group sa Ilocos Region ang naaresto ng mga awtoridad sa Las Piñas nitong Miyerkoles.

Natiklo si Elpidio "Edwin" Escubido Edusma sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Ethelwolda Jaravata, presiding judge ng RTC Branch 32 ng 1st Judicial Region sa bayan ng Agoo, La Union.

Nahuli ng mga operatiba ng Anti-Kidnapping Group Luzon Field Unit ang umano'y no. 2 most wanted ng PNP Anti-Kidnapping Group matapos ang ilang taong pagtatago.

Itinuturong miyembro si Edusma ng Lappay kidnap-for-ransom group na nambibiktima noong 2014 sa Ilocos Region. 

Isa sa mga nabiktima ng grupo ni Edusma ay isang prominenteng negosyante na kinilalang si Ricky Accay, na kinidnap noong June 30, 2014. 

Sa negosasyon, humingi umano ang mga kidnappers ng P5,000,000 ransom kapalit ng kalayaan ng biktima pero napababa ito ng pamilya ng hanggang P700,000. 

Pinalaya ang biktimang si Accay pagkatapos ng 2 araw.

Ayon sa mga awtoridad, nagtago ang grupo ni Edusma dahil sa pandemiya pero pinaniniwalang bumabalik na naman sa paghahanap ng mga posibleng mabibiktima. 

Nagpapanggap umano silang mga pintor sa mga lugar malapit sa mga tinatarget na biktima.

Dinala na si Edusma sa PNP-AKG Headquarters para sa booking procedures at tactical interrogation.

Nahaharap si kasong kidnapping for ransom without bail si Edusma.--Ulat ni Gracie Rutao

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.