Leptospirosis patient sa National Kidney and Transplant Institute
MAYNILA - Inaasahan ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ang pagdami ng mga pasyenteng isusugod sa kanilang ospital dahil sa leptospirosis matapos ang pananalasa ng mga bagyo.
Ayon sa pamunuan, nasa 60 na ang naka-admit sa ngayon sa NKTI dahil sa sakit na kalimitang nakukuha sa baha.
Bagama’t inaasahan ng NKTI na dadami ang mga maoospital dahil sa leptospirosis, nagulat sila dahil umabot sa 28 ang isinugod sa loob lang ng isang araw.
"Madadagdagan pa 'yan, hintayin mo another week or two weeks. minsan kasi delayed din ang ibang cases. 'Yung iba hindi pa nagpapa-admit until such time na sila ay grabe na (ang sintomas)," ani NKTI Executive Director Rose Marie Liquete.
Ngayon, inaayos na ng NKTI ang rehabilitation center ng ospital para magsilbing leptospirosis ward.
Mataas naman ang recovery rate ng mga nagkakaroon ng leptospirosis pero paalala ni Liquete na delikado pa rin kung hindi ito maagapan.
Malaking hamon para sa NKTI ang pagsabay ng pagdami ng kaso ng leptospirosis sa pandemya.
Sa kabila nito, siniguro ng ospital na isasailalim sa COVID-19 swab test ang lahat ng dadaan sa mga emergency room.
— Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, NKTI, baha, flood, leptospirosis cases 2020, COVID-19, leptospirosis cases in the Philippines pandemic, Rose Marie Liquete, NKTI, leptospirosis cases Philippines, leptospirosis