P686,000 halaga ng hinihinalang shabu, nasabat sa Pampanga

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2020 04:48 AM

Kuha ng Pampanga PPO

Nasa P686,000 na halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat sa magkakahiwalay operasyon ng mga awtoridad sa Pampanga nitong Huwebes.

Timbog ang 36 anyos na suspek na si Rosel Adula sa Brgy. Dau, Mabalacat City matapos makuha sa kanya ang 9 na sachet ng shabu na tinatayang nasa P544,000 ang street value.

Nahuli rin sa Mabalacat ang isa pang nasa police drug watchlist na si Reynante Bitco. Nabili sa kanya sa isang buy-bust operation ang medium sized sachet ng shabu na nasa 20 gramo ang bigat at hindi bababa sa P136,000 ang street value.

Nakatakas naman ang kasabwat nito na sakay ng kotse.

Sa Angeles City, inaresto ang security guard na si Bryan Martinez ng Brgy. Pulung Maragul na nakuhanan ng 6 na sachet ng shabu na nasa P6,800 ang street value.

Kinasuhan na ang mga naarestong suspek.--Ulat ni Gracie Rutao

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.