Kotse sumalpok sa center island sa IBP Road; 2 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2020 07:38 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Sugatan ang 2 katao matapos sumalpok ang isang kotse sa center island ng IBP Road sa Quezon City Biyernes ng madaling-araw.

Ayon sa paunang ulat ng Quezon City Traffic Sector 5, galing ng Payatas ang pulang kotse na minamaneho ng isang alyas Jason sakay ang isang babae at isang lalaki nang bumangga ito sa center island ng IBP Road pasado ala-1 ng madaling-araw.

Sa lakas ng pagkakasalpok, nasira ang isang bahagi ng center island at tumama rin sa puno ang kotse bago ito napunta sa kabilang lane ng IBP Road.

Agad na isinugod sa ospital ang 2 pahinante ng sasakyan na nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan.

Tumanggi namang magsalita sa medya ang drayber na umano'y nakainom, kuwento ng isang traffic enforcer. - Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News